![]()
Ang pananakit ng dibdib ay hindi lamang maiuugnay sa ating mga ugat o kalamnan, dahil maaari rin itong maging senyales ng pericarditis, isang kondisyon na nagdudulot ng pamamaga sa pericardium o manipis na laman na nakapaligid sa puso.
Ayon sa mga health expert, ang pericarditis ay maaaring sanhi ng impeksyong dulot ng virus, bagama’t posible rin itong maiugnay sa iba pang impeksyon, mga sakit na autoimmune, pinsala sa puso, o ilang medikal na pamamaraan.
Isa sa mga pangunahing sintomas nito ang matalim o tumatarak na pananakit ng dibdib.
Karaniwang lumalala ang pananakit kapag humihinga nang malalim, umuubo o nakahiga, at maaaring gumaan kapag umupo at yumuko pasulong.
Kabilang din sa mga posibleng sintomas ang lagnat, panghihina, kapagod, palpitation ng puso, at hirap sa paghinga.
Sa ilang kaso, ang pamamaga ay maaaring magdulot ng pag-iipon ng sobrang likido sa paligid ng puso.
Kapag naparami ang likidong ito at napigilan ang puso sa maayos na pagpapadaloy ng dugo, maaaring maging mapanganib sa buhay ang magiging kondisyon.
Nakabatay sa sanhi at kalubhaan ng pericarditis ang paggamot.
Maaaring magreseta ang doktor ng mga gamot na panlaban sa pamamaga, habang ang ilang kaso ay nangangailangan ng karagdagang gamot o medikal na pamamaraan.
Pinapayuhan ang publiko na huwag balewalain ang pananakit ng dibdib, lalo na kung may kasamang hirap sa paghinga, lagnat o palpitation.
Dahil ang mga sintomas nito ay maaari ring maiugnay sa atake sa puso at iba pang malubhang kondisyon, mahalagang agarang magpatingin sa doktor.
Tandaan, ang maagang pagkilala at tamang paggamot sa pericarditis ay makatutulong upang maiwasan ang mga komplikasyon at mapanatili ang kalusugan ng puso.
