Hiniling ni Sen. Risa Hontiveros ang kooperasyon ng mga kapwa senador upang alisin sa ipinapanukalang Maharlika Investment Fund ang probisyon na nagbibigay pahintulot sa mga government financial institutions at Government Owned and Controlled Corporation na maglagak ng puhunan sa korporasyon.
Sa debate sa Senate Bill 2020, iginiit ni Hontiveros na dapat alisin sa panukala ang probisyon na maaari pa ring mag-invest ang SSS at GSIS depende sa kanilang risk assessment at investment strategy.
Sinabi ni Hontiveros na ang ganitong probisyon ay mistula namang nagbukas ng backdoor sa mga ahensya.
Nangangamba ang senadora na posibleng magamit pa rin sa sovereign wealth fund ang pinaghirapang pensyon ng mga retirado kaya hiniling nito sa mga kapwa senador na magtulungan para alisin ang naturang probisyon.
May source din ang senadora na nagsabing hindi galing sa mga economic managers ang ideya ng Maharlika Fund kundi sa Presidente ng GSIS na si Wick Veloso.
Malaki rin ang pangamba ng mambabatas na bukod sa ito ang nagpanukala sa Presidente kung saan ililipat ang pondo ng GSIS, si Veloso ay isa rin sa mga appointees ng Pangulo na bukas sa posibilidad na maimpluwensyahan.
Nagbabala pa si Hontiveros na dahil sa nasabing probisyon, maaaring baguhin ng GSIS board ang kanilang investment strategy at isugal ang higit sa P1 trillion na pera ng GSIS sa Maharlika Fund.
Tumanggi naman si Senator Mark Villar, sponsor ng MIF Bill, na magkomento sa istratehiya ng GSIS at tiwala siyang may nakalatag na sapat na safeguards at controls ang panukala. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News