dzme1530.ph

Report na may bomb threat sa loob ng PICC, false ayon sa mga otoridad

Walang natagpuang bomba ang mga otoridad sa loob ng Philippine International Convention Center (PICC).

Ito ang naging pagtitiyak ng Pasay City Police Station makaraang palabasin sa gusali ang mga empleyado ng National Privacy Commission (NPC) nitong Biyernes dahil sa natanggap na bomb threat.

Ayon kay Police Major Remedios Terte, ACOPO, Pasay City Police Station, wala silang nakuhang anumang pampasabog sa paggalugad sa limang palapag na gusali at sa paligid nito.

Nabatid na isang Angelo Iglesias ang nag-iwan ng komento sa Facebook page ng NPC na nagsasaad na “Time bomb set on your building starts now”.

Isinangguni na umano sa Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ang kaso para sa kaukulang imbestigasyon.

Kasabay nito, pinaalalahanan ng mga otoridad ang publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag.

About The Author