dzme1530.ph

Mga pulitikong financier ng mga private armies, dapat patawan ng death penalty —Sen. dela Rosa

Sang-ayon si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs chairman Ronald “Bato” dela Rosa na patawan ng death penalty ang mga pulitikong mapatutunayang nagpopondo o kumukuha ng serbisyo ng private armed groups.

Sinabi ni dela Rosa na posibleng isa ito sa rekomendasyong kanilang ilalatag sa Committe report kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Sinabi ni dela Rosa na hindi naman lalakas ang loob ng mga private armies kung wala silang pondo.

Bukod dito, kinumpirma ni dela Rosa na kasama sa kanilang rekomendasyon ang pag-amyenda sa local government code upang alisin sa mga local chief executives ang kapangyarihang magtalaga ng mga hepe ng pulisya sa kanilang lugar.

Ito anya ay upang hindi maging utang na loob ng sinumang pinuno ng pulisya sa mga pulitiko ang pagkakatalaga sa kanya.

Kasama rin sa rekomendasyon ang pag-amyenda sa Omnibus Election Code upang pabigatin ang parusa laban sa mga nuisance candidate gayundin ang death penalty sa mga dating pulis at sundalo na magsisilbing private army.

Tiniyak ni dela Rosa na mailalabas nila ang committee report bago ang paghahain ng certificate of candidacy para sa Barangay at SK elections sa Agosto.

Ito ay dahil kasama rin sa report ang pagtalakay sa suhestyon ni Sen. Francis Tolentino na ipagpaliban ang halalan sa Negros Oriental kahit sa loob ng isang buwan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

 

About The Author