dzme1530.ph

PBBM, iniulat ang matagumpay na partisipasyon sa 42nd ASEAN Summit

Iniulat ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang matagumpay na partisipasyon sa 42nd Association of SouthEast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Indonesia.

Sa kanyang pagbabalik-bansa matapos ang 3-day official trip sa Indonesia, inihayag ng pangulo na binigyang-diin niya sa kapwa ASEAN leaders ang kahalagahan ng international rule-based system para sa pagpapanatili ng seguridad, kapayapaan, at kaayusan sa rehiyon.

Nagkasundo rin umano ang ASEAN na baguhin ang diskarte sa pakikipag-usap sa Myanmar sa harap ng krisis, kasabay ng panawagan sa pagsunod nito sa five-point consensus.

Nagpaabot din ito ng suporta sa proseso para sa pagiging full-pledged member ng Timor Leste sa ASEAN.

Isinulong din ni Marcos ang malayang kalakalan at multilateral trading system, at patuloy umanong magtutulungan ang asean para sa pangmatagalang food at energy security, at pagtugon sa mga epekto ng climate change.

Bukod dito, pinagtibay din ng pangulo ang commitment ng Pilipinas sa mapayapang resolusyon sa South China Sea dispute, at pagtataguyod ng rule-based maritime order alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Ipinahiwatig din nito ang pagkabahala sa humanitarian crisis at nagpapatuloy na epekto sa ekonomiya ng bakbakan sa pagitan ng Russia at Ukraine. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author