dzme1530.ph

Dayaan sa voters registration, pinasisilip sa Senado

Nais paimbestigahan ni Sen. Imee Marcos ang sinasabing dayaan sa voters registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.

Sa kanyang Senate Resolution 592, hiniling ni Marcos sa kaukulang komite sa Senado na busisiin ang umano’y malawakang pandaraya sa voters registration para sa eleksyon.

Iginiit ng Chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na sa kabila ng pagsisikap ng Comelec na magpatupad ng batas, namamayagpag pa rin ang problema tuwing sasapit ang halalan sa mga tinatawag na “flying voters”.

Tinukoy sa resolusyon ang report noong March 31, 2022 kung saan na-detect ng Commission on Elections (COMELEC) ang 892,627 double registrations para sa 2022 National at Local elections.

Maging ang Barangay Carmona sa Makati City ay nakitaan ng 78% na pagtaas sa bilang ng registered voters at registration applicants’ o mula 4,718 registered voters noong 2022 elections ay higit sa doble ang inakyat ng bilang na umabot na sa 8,415 para sa 2023 barangay elections.

Sa resolusyon, hiniling ni Marcos ang pagrereview sa election laws kabilang ang Voter’s Registration Act of 1996 at Omnibus Election Code para maresolba ang napakatagal nang problema tuwing sasapit ang halalan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author