Hinimok ni Sen. Grace Poe ang gobyerno na regular na rebisahin ang ipinatutupad na deployment policies para sa kaligtasan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ginawa ng senador ang pahayag kasabay ng pasasalamat sa Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers sa agarang pagpapauwi sa first batch ng mga OFWs sa Sudan.
Umaasa naman si Poe na magiging mabilis din ang pagpapauwi sa natitira pang manggagawang Pinoy sa naturang bansa,
Sinabi ng senador na mas makabubuting mailikas nang maaga upang mailayo ang mga OFW sa panganib at mapanatag na ang kanilang mga pamilya.
Nauunawaan ng senador ang pangangailangan ng lahat para sa mas mataas na sahod at tungkulin anya ng gobyerno ang palagiang i-review ang mga polisiya.
Inaasahan din ni Poe na may sapat na support system ang gobyerno para mga uuwing OFW upang mabigyan sila ng alternatibong pagkakakitaan o trabaho o sumailalim sa skills retooling at training.
Sinabi ni Poe na mahalaga ang hanapbuhay, ngunit walang kapalit ang buhay at kaligtasan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News