![]()
Naniniwala ang isang political strategist na si Senador Bam Aquino ang alternatibong kandidato sa presidential elections sa 2028 kung hindi na talaga kakandidato si Naga City Mayor Leni Robredo.
Sinabi ni Lito Banayo, maaaring maging kandidato ng yellow-pink coalition si Aquino.
Naniniwala si Banayo na kung ieendorso ni Robredo si Aquino ay tataas ang numero ng senador sa mga survey dahil makukuha niya ang boto ng mga tagasuporta ng dating bise presidente.
Sa pinakahuling survey ng Tangere noong November 10 sa 1,800 respondents, lumitaw na si Aquino ang pinakamalakas na kandidato ng oposisyon matapos ang pahayag ni Robredo na wala siyang balak sumabak sa presidential elections.
Sa hypothetical two-way contest, nakakuha ng 39% na suporta si Aquino kumpara sa 31% ni Senador Robin Padilla.
Samantala, sa three-way matchup, nakakuha si Aquino ng 34% habang 33% kay Senador Bong Go at 10% kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Sa isa pang three-way showdown, nakakuha si Aquino ng 33% habang 28% kay Padilla at 16% si Senador Raffy Tulfo.
Lumitaw din sa hiwalay na survey na 70% hanggang 80% ng mga tagasuporta ni Robredo ang lumipat na kay Aquino.
