![]()
IGINIIT ni Senador Erwin Tulfo ang pangangailangang simulang gawing digital ang mga sistema sa pamahalaan sa pagtanggap ng mga authenticated na digital version ng mga government identification card sa mga transaksyon.
Ginawa ni Tulfo ang pahayag sa paghahain ng Senate Bill No. 2590 o ang proposed “Government-Issued Digital Identification Acceptance Act.”
Alinsunod sa panukala, minamandato ang lahat ng ahensya ng gobyerno, local government units, government-owned or controlled corporations, at government financial institutions na tanggapin ang mga authenticated na digital version ng mga valid government-issued ID bilang sapat na katibayan ng pagkakakilanlan.
Ayon kay Tulfo, napapanahon ang panukalang ito bilang tugon sa paulit-ulit na reklamo ng mga Pilipino sa social media na hindi sila nakakakuha ng serbisyo mula sa gobyerno o hindi natatapos ang kanilang mga transaksyon dahil hindi tinatanggap ang kanilang mga digital ID.
Sa ilalim ng panukala ni Tulfo, magpapatupad ng mga makatwirang proseso para sa authentication at verification ng digital identification.
Sakaling hindi gumana ang electronic verification system na gagamitin, kinakailangang gumamit ng iba pang makatwirang paraan ng beripikasyon.
Nililinaw din ng panukala na hindi nito nililimitahan ang mga Pilipinong nais pa ring magpakita ng kanilang physical ID card bilang patunay ng kanilang pagkakakilanlan.
Pinapayagan din nito ang mga ahensya na humingi ng karagdagang hakbang sa beripikasyon kung kinakailangan upang maiwasan ang panloloko, identity theft, o hindi awtorisadong paggamit ng ID.
Kapag naisabatas, pananagutin ang sinumang opisyal o empleyado ng gobyerno na mapatutunayang tumangging kilalanin ang isang authenticated na digital valid ID nang walang sapat na dahilan.
