dzme1530.ph

SUPREME COURT RULING SA SEAFARER’S BOND, MAITUTURING NA PAGPAPATIBAY SA KARAPATAN NG MGA MARINONG PILIPINO

Loading

ITINUTURING ni Senador Joel Villanueva na pagpapatibay sa karapatan ng mga marinong Pilipino ang desisyon ng Supreme Court na ideklarang unconstitutional ang bond requirement sa ilalim ng Magna Carta of Filipino Seafarers.
 
Ayon kay Villanueva, ito ang mismong kanilang ipinunto noong 2024 sa panahon ng pagpapatibay sa Bicameral Conference Committee Report ng nasabing batas.
 
Binigyang-diin ng senador na dapat protektahan ng mga batas ang mga manggagawang Pilipino at hindi magtakda ng karagdagang hadlang na makapipigil sa kanila na makuha ang kanilang mga nararapat na benepisyo at kabayaran.
 
Muli ring ipinahayag ni Villanueva ang pag-aalala sa paggamit ng pondo ng gobyerno, kabilang ang AKSYON Fund, para bayaran ang mga bond premium.
 
Ipinaliwanag ng senador na nakalaan ang AKSYON Fund para sa agarang pagtulong sa mga nangangailangan at nanganganib na Overseas Filipino Workers.
 
Dapat anyang mapanatili ang sapat na pondo nito, lalo na sa gitna ng tensiyon at kawalan ng katiyakan sa Middle East na naglalagay sa kaligtasan at kapakanan ng maraming OFW sa panganib.
 
Iginiit ng senador na dapat pantay-pantay na maprotektahan sa ilalim ng batas ang mga marinong Pilipino, land-based OFWs at iba pang manggagawang Pilipino.

About The Author