![]()
MAAARING madagdagan pa ang mga araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bunsod ng posibilidad na magkaroon pa ng rebuttal witnesses ang House Prosecution Panel matapos ang presentasyon ng ebidensya ng defense panel.
Ito ang ipinaliwanag ni Impeachment Court spokesperson Atty. Reginald Tongol.
Sinabi ni Tongol na pinahihintulutan ng Rules of Court ang prosecution na humiling ng pagkakataong magharap ng karagdagang testigo para pabulaanan ang mga ebidensyang ilalahad ng depensa.
Maaari ring magharap ng surrebuttal ang depensa bilang tugon sa rebuttal evidence ng prosecution.
Pero nilinaw ni Tongol na wala pang pinapahayag na pormal na interes ang House Prosecution Panel na magharap ng rebuttal witnesses.
Ipinaliwanag ni Tongol na maaari lang matukoy ng magkabilang panig kung kailangan pa nila ng karagdagang ebidensya matapos maisumite ng depensa ang kanilang formal offer of evidence at makapagpasya ang impeachment court kung aling mga dokumento ang tatanggapin bilang ebidensya.
Idinagdag pa niya, kailangang magbigay ng sapat na dahilan para magharap ng rebuttal evidence at tukuyin kung aling bahagi ng testimonya o ebidensya ng kabilang panig ang nais nilang pabulaanan.
