![]()
Inilunsad ng Department of Education ang isang audit system para i-assess ang safety measures na ipinatutupad sa mga paaralan kasunod ng tatlong school shooting incidents.
Tinawag ang proyekto bilang Safe School Environment Audit o SSEA na tututok din sa paghahanda ng mga paaralan sa epekto ng Super El Niño.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, laman ng SSEA ang unified checklist na sumasaklaw sa overall readiness ng paaralan sa disaster risk reduction, child protection, health services, psychosocial support at physical security.
Binigyang-diin ng kalihim na mababalewala ang mga pagsisikap para sa de-kalidad na edukasyon kung ang mga estudyante, guro at iba pang tauhan sa paaralan ay hindi ligtas sa loob at labas ng classrooms.
Sa ilalim ng SSEA framework, dapat matiyak ang kahandaan ng mga paaralan sa safety management, supportive environment, safe facilities at school access, emergency preparedness response at post-disaster recovery.
