![]()
May nakahanda nang pondo ngayong 2026 ang Department of Agriculture para sa El Niño interventions, bukod pa sa hinihingi ng Kagawaran para sa 2027.
Sa inquiry ng House Committee on Agriculture ukol sa El Niño preparedness ng pamahalaan, inusisa ni committee chairman Rep. Mark Enverga kung ready ang sinasabing pondo.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary U-Nichols Manalo, chargeable sa 2026 budget ng Kagawaran ang ₱61.99-B El Niño interventions fund.
May ₱6.2-B na umanong na-release sa ilalim ng UPLIFT o Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport program.
Sa Task Force El Niño na binuo ng pamahalaan, DA ang lead agency para sa food security cluster, kung saan may tatlong target outcome.
Ang crops na may ₱35-B budget para sa production inputs, kasama ang punla o seeds, planting materials at fertilizers.
Water management measures na kinabibilangan ng construction at rehabilitation ng mga irrigation system, solar-power irrigation facilities at small water impounding projects.
Ang cloud seeding kung saan target ang Pantabangan at Bohol sa tulong ng Bureau of Soils and Water Management katuwang ang DOST-PAGASA at Philippine Air Force.
May kabuuan ding ₱3-B para sa fuel and transport support sa ilalim ng UPLIFT, ₱1-B para sa farmers’ fuel, ₱1-B sa mangingisda, at isang bilyon din para sa trucker support.
Para sa 2027, ₱10 billion ang hinihingi ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. para sa Pres’l Assistance for Farmers and Fisherfolk program.
