dzme1530.ph

‘LIBRENG KAPON’ PROGRAM, INILUNSAD SA MARIKINA CITY; MGA LIGAW NA ASO AT PUSA, PRAYORIDAD

Loading

Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang “Libreng Kapon Program” upang itaguyod ang responsableng pag-aalaga ng mga hayop at makontrol ang kanilang populasyon sa makatao at maayos na paraan.
 
Sa kanyang pag-anunsyo sa programa, binigyang-diin ni Marikina Mayor Maan Teodoro na mahalagang sukatan ang pangangalaga sa mga hayop sa tunay na pag-unlad at karakter ng isang komunidad.
 
Bagama’t patuloy ang pagbibigay ng lungsod ng libreng bakuna laban sa rabies, ipinaliwanag ni Teodoro na kasinghalaga rin ng pagbabakuna ang pagkakapon upang makontrol ang populasyon ng mga hayop.
 
Inanunsyo rin ni Teodoro na gagawing regular na programa ng lokal na pamahalaan ang libreng kapon at dadalhin ito sa iba’t ibang barangay upang mas mapalapit ang serbisyo sa mga residente.
 
Kamakailan ay binuksan ang Marikina City Animal Rescue and Shelter na matatagpuan sa kahabaan ng Gil Fernando Avenue, sa tapat ng City Engineering Warehouse sa Barangay Sto. Niño.
 
Nakalaan ang pasilidad para maging tahanan ng mga nailigtas na aso at pusa at matiyak na mabibigyan sila ng wastong pangangalaga at proteksyon.

About The Author