![]()
Hindi lahat ng taong payat ay maituturing na healthy. Mayroong kondisyong tinatawag na “skinny fat,” kung saan normal o mababa ang timbang ng isang tao pero mataas naman ang porsyento ng taba sa katawan at kulang sa muscle mass.
Kahit mukhang payat sa panlabas, posibleng marami pa ring naiipong taba sa paligid ng mga internal organ, partikular na sa bandang tiyan. Tinatawag din ito na normal-weight obesity sa ilang pag-aaral.
Kabilang sa mga posibleng dahilan nito ang kakulangan sa ehersisyo, madalas na pagkain ng processed at high-calorie foods, kakulangan sa protein, at pagkawala ng muscle mass dahil sa sedentary lifestyle.
Ang sobrang visceral fat ay iniuugnay sa mas mataas na peligro ng insulin resistance gaya ng type 2 diabetes, high blood pressure, at sakit sa puso.
Para maiwasan ito, inirerekomenda ang regular na strength training, tulad ng weightlifting at bodyweight exercises, kasabay ng aerobic activities gaya ng paglalakad, pagtakbo, o pagbibisikleta.
Mahalaga ring kumain ng balanse at masustansyang pagkain lalo na ang protina, matulog nang maayos, at iwasan ang sobrang pag-upo o hindi paggalaw sa maghapon.
Paalala ng mga eksperto, hindi dapat sa pagiging payat o pagbaba ng timbang nakatuon ang layunin, kundi sa pagpapanatili ng malusog na body composition at pagpapalakas ng katawan.
