![]()
Sinimulan nang talakayin ng House Committee on Agriculture and Food ang inquiry kaugnay sa kahandaan ng pamahalaan sa pagtugon sa Super El Niño.
Ang imbestigasyon ay hango sa House Resolution No. 967 na inakda ni Sultan Kudarat Rep. Bella Vanessa Suansing.
Ayon kay Committee on Agriculture and Food Chairperson Mark Enverga ng Quezon Province, may mga kahalintulad ding resolusyon na hindi pa opisyal na nai-refer sa kanyang komite.
Tinukoy nito ang kahalagahan ng mga resolusyon kaya naman agad niyang itinakda ang inquiry.
Bagama’t nakatuon sa sektor ng agrikultura ang focus ng HR No. 967, may mga isyu pang kaugnay nito na dapat paghandaan.
Ayon kay Enverga, bukod sa problema ng mga magsasaka na siyang unang apektado ng tagtuyot, nariyan din ang water problem, energy at health security na kailangang may nakahandang programa.
Kabilang sa mga ipinatawag na resource person ang Department of Agriculture, PAGASA, OCD, Task Force El Niño at iba pang sangay ng pamahalaan.
