dzme1530.ph

ATTY. CINDERELLA BENITEZ-JARO, PORMAL NANG NANUMPA BILANG BAGONG DOLE UNDERSECRETARY

Loading

Pormal nang nanumpa bilang bagong Undersecretary ng Department of Labor and Employment (DOLE) si Atty. Cinderella Filipina S. Benitez-Jaro matapos italaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
 
Pinangunahan ni DOLE Secretary Francis N. Tolentino ang panunumpa sa flag-raising ceremony sa DOLE Central Office sa Intramuros, Maynila, nitong Martes, Nobyembre 3.
 
Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan sa gitna ng seremonya, itinuloy ang programa at naisagawa ang pormal na panunumpa ng bagong opisyal.
 
Bago ang kaniyang pagkakatalaga, nagsilbi si Benitez-Jaro bilang Executive Director ng Commission on Higher Education (CHED).
 
Pinalitan niya si dating DOLE Undersecretary Atty. Gerard A. Mosquera, na itinalaga bilang unang Judicial Integrity Officer ng Supreme Court Judicial Integrity Office.
 
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Benitez-Jaro ang kahalagahan ng pagtutugma ng edukasyon at pangangailangan ng sektor ng paggawa upang mas maraming college graduates at technical-vocational graduates ang magkaroon ng disenteng oportunidad sa trabaho.
 
Inaasahang makatutulong ang kaniyang karanasan sa larangan ng edukasyon sa pagsusulong ng mga programang mag-uugnay sa kasanayan ng mga Pilipino at pangangailangan ng ekonomiya.

About The Author