![]()
Aminado si Senate President Sherwin Gatchalian na mas challenging ngayon ang pagbalangkas ng 2027 national budget.
Kaya naman, nakatitiyak ang Senate leader na magtatrabaho sila hanggang sa Pasko para maaprubahan at maratipikahan ang pambansang pondo bago matapos ang taon.
Sinabi ni Gatchalian na hindi madali na sabay na kumikilos ang Senado para sa budget deliberations at impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Gatchalian, nakikipagtulungan siya kay Finance Committee Chairman JV Ejercito para matiyak na “on track” ang schedule ng pagpasa ng budget.
Target aniya nila na bago matapos ang taon ay maaprubahan at ma-ratipikahan na ang ₱7.2 trillion na pambansang budget.
Sa plano ng Senado, sa pagbabalik ng sesyon sa Nov. 9 ay tatapusin muna nila ang impeachment trial at saka magbe-break para sa plenary budget deliberations na tatagal ng isa hanggang dalawang linggo.
Pagkatapos ng budget deliberations sa plenary at kung hindi pa tapos ang impeachment trial, ay babalikan muli nila ang paglilitis.
