dzme1530.ph

DALAWANG MILYONG KATAO, INAASAHANG DARAGSA SA MANILA NORTH CEMETERY SA PANAHON NG UNDAS

Loading

Inaasahang aabot sa dalawang milyon ang bibisita sa mga puntod ng kanilang mahal sa buhay sa Manila North Cemetery sa buong panahon ng Undas.

Tiniyak naman ni Manila North Cemetery Director Daniel Tan ang kanilang kahandaan para sa pagdagsa ng tao, lalo na mula Biyernes, October 30, hanggang Lunes, November 2.

Ngayong Martes ang huling araw ng paglilinis ng mga puntod sa sementeryo kung saan inaasahang aabot sa limampung libo ang magtutungo.

Bukas naman ang huling araw na papayagan ang paglilibing sa Manila North Cemetery.

Mula Huwebes hanggang Lunes, hindi na papayagan ang anumang uri ng sasakyan sa loob ng sementeryo.

Naglagay na rin ng karagdagang closed-circuit television cameras o kabuuang 125 CCTV camera sa loob ng Manila North.

Naka-deploy na rin ang mga security personnel mula sa Philippine National Police, city security force, local government units at national government agencies para mapanatili ang peace and order.

Pinaalalahanan naman ni Tan ang publiko na sumunod sa mga patakaran at iwasan nang magdala ng alcoholic beverages, gambling materials, mga alagang hayop, sound systems at musical instruments sa pagbisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

About The Author