![]()
Sa inaasahang paglala ng El Niño sa mga susunod na buwan, hiniling ni Senador Bam Aquino sa Department of Education na ihanda ang mga paaralan sa posibleng kakulangan ng tubig at matinding init upang maprotektahan ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante.
Sa gitna ito ng pangamba na ang kakulangan ng tubig, lalo na sa mga lugar na nakararanas na ng epekto ng El Niño, ay maaaring makaapekto sa supply ng maiinom na tubig at sanitasyon sa mga paaralan.
Ayon kay Aquino, kailangang maging handa ang mga paaralan hindi lamang sa matinding init kundi maging sa posibleng kakulangan ng tubig na kailangan upang mapanatili ang kalusugan at kalinisan ng mga estudyante.
Hiniling din ng senador kay DepEd Secretary Sonny Angara na maglabas ng memorandum para sa mga school principal at guro tungkol sa mga hakbang na dapat gawin upang makapaghanda sa El Niño, kabilang ang pagtiyak sa sapat na supply ng tubig para sa kalinisan ng mga paaralan.
Sinabi rin ni Aquino na kailangang isaalang-alang ng mga paaralan ang hiwalay na pangangailangan para sa ligtas na inuming tubig.
Ang pagbili, aniya, ng maiinom na tubig ay maaari ring makadagdag sa maintenance and other operating expenses (MOOE) ng mga paaralan.
Sinabi naman ni Angara kay Aquino na maaaring suspindihin ang mga klase kapag umabot sa mapanganib na antas ang temperatura upang maprotektahan ang mga estudyante laban sa mga sakit na dulot ng matinding init, kabilang ang pananakit ng ulo at pagdurugo ng ilong.
