![]()
NAANTALA ang pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa kawalan pa ng quorum ng senator judges.
Ito ay matapos ma-late ang ilang senador kasama sina Senator Judges Robin Padilla at Camille Villar.
Nang makumpleto na ang quorum sa pamamagitan ng 13 senator judges, agad nang sinimulan ng defense panel ang cross-examination sa forensic financial analyst na si Atty. Alexander Cabrera na iniharap ng prosecution bilang expert witness.
Si Cabrera ang abogado at certified public accountant na iniharap ng prosekusyon noong Biyernes bilang expert witness na nag-analisa sa mga tax, insurance, bank at iba pang financial records ng Bise Presidente at kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Sa pagsisimula ng cross-examination, pinakumpirma ni Atty. Kristine Ferrer kay Cabrera kung siya ang chairman ng Justice Reform Initiative o JRI na naglabas ng statement noong Mayo na nananawagan ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Tinanong din si Cabrera kaugnay sa Integrity Initiative Inc. na inorganisa ng limang business organization kasama na ang Makati Business Club na nanawagan ng convening ng Impeachment Court noong June 2025.
Bukod dito, inilabas din ni Ferrer ang pagiging chairman ng Ethics Committee ng Management Association of the Philippines na naglabas ng concern sa impeachment case ni VP Sara sa Kamara.
Sinabi ni Ferrer na sa kabila ng koneksyon ni Cabrera sa mga organisasyon ay tinanggap niya nang pro bono ang pagiging forensic analyst.
Nagpapatuloy pa sa mga oras na ito ang cross-examination kay Cabrera na huling testigo na ng prosekusyon.
