dzme1530.ph

SUSUNOD NA HAKBANG SA PAG-ATRAS NG PROSEKUSYON SA ARTICLE 3 NG IMPEACHMENT CASE LABAN KAY VP SARA, NAKADEPENDE PA SA IMPEACHMENT COURT

Loading

NAKADEPENDE sa Senate Impeachment Court ang susunod na hakbang kaugnay sa manifestation ng House prosecution panel na iatras ang Article III (Bribery) ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
 
Una nang kinumpirma ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na natanggap na ng Impeachment Court ang manifestation ng prosekusyon.
 
Sapat na anya ito at hindi na kailangan pang pormal na ipahayag sa open court.
 
Gayunman, hindi pa tiyak ni Tongol kung ano ang magiging hakbang ng presiding officer tungkol dito.
 
Isa pa aniyang kailangang linawin ang susunod na hakbang sa Article 1 o ang misuse of confidential funds dahil hindi pa pormal na isinasara ng prosekusyon ang presentasyon ng ebidensya dito.
 
Matatandaang naantala ang pagsasara ng prosekusyon sa Article 1 matapos isaalang-alang ng korte ang posibilidad na tumawag pa ng mga dagdag na testigo, kabilang si Col. Raymund Lachica.
 
Tumanggi rin si Tongol na magsabi kung paanong maaapektuhan ng development na ito ang naunang schedule ng impeachment trial.

About The Author