![]()
Hinimok ng Maritime Industry Authority o MARINA ang kapitan ng nasunog na MV June Aster na lumutang at ipaliwanag ang naganap na trahedya.
Ito ay makaraang kumpirmahin ng Atienza Interisland Ferries Incorporated na nakaligtas sa trahedya ang kapitan ng barko subalit hindi nila alam ang kinaroroonan nito.
Iginiit ni Maximo Bañares Jr., Regional Director ng MARINA, mahalaga ang pagpapaliwanag ng kapitan para sa tamang direksyon ng imbestigasyon.
Ayon sa MARINA, posibleng mapatawan ng administrative sanction ang kapitan kabilang na ang suspensyon o revocation ng kanyang lisensya o seaman’s book.
Tiniyak naman ni Bañares na minamadali na nila ang imbestigasyon upang matukoy na ang totoong dahilan ng trahedya.
Nilinaw naman ni Bañares na nakakapagbiyahe pa rin ang ibang barko ng Atienza Interisland Ferries Incorporated dahil may kanya-kanyang Certificate of Public Convenience ang bawat barko.
