![]()
NANINDIGAN si Col. Manaros Boransing II na walang natanggap na regular o confidential funds mula sa Department of Education (DepEd) ang Philippine Army para sa mga Youth Leadership Summit (YLS) noong 2023.
Ito ay kahit humingi ang DepEd ng sertipikasyon para sa mga aktibidad na kalauna’y ginamit kaugnay ng pag-liquidate ng hanggang P15.54 milyon na confidential funds.
Sa pagharap sa 20th day ng impeachment trial, sinabi ni Boransing na hindi niya alam na ang certification na ibinigay niya para sa Youth Leadership Summit ay gagamitin bilang supporting document sa liquidation ng confidential funds ng DepEd.
Sa pagtatanong ni prosecution lawyer Atty. Rey Robles, sinabi ni Boransing na si dating DepEd Chief of Staff Atty. Michael Poa ang humingi sa kanya ng certification para sa mga YLS activity na pinangunahan ng militar.
Ang pagkakaintindi ni Boransing, simpleng patunay lamang ito na lumahok o dumalo ang mga stakeholder sa programa at kalaunan na lamang niya nalaman na isinumite pala ng DepEd ang certification sa Commission on Audit o COA bilang dokumento para suportahan ang paggastos ng confidential funds.
Pero nilinaw ni Boransing na walang pondong ibinigay ang DepEd sa kanilang military unit para sa Youth Leadership Summit at sa kaugnay na Information, Education and Communication o IEC activities.
Ipinaliwanag niya na ang pondo para sa mga aktibidad ay nagmula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan, at hindi sa DepEd.
