![]()
Kinumpirma ng Alliance of Concerned Teachers na maraming guro ang nainsulto sa pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro kaugnay sa naganap na shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University.
Ito ay nang sabihin ni Castro na may mga guro rin mismo ang lumalabag sa moralidad at nagtuturo pa ng kawalan ng modo sa mga estudyante.
Sinabi ni ACT Chairperson Ruby Bernardo na dahil sa pahayag ay demoralizado ang ilang guro sa gitna ng kanilang pagharap sa tambak na trabaho subalit mababang sweldo.
Iginiit ni Bernardo na hindi sila nagtuturo ng kawalan ng modo at sa halip ay ibinibigay nila ang lahat ng makakaya para makapagturo sa kabila ng mahirap na kalagayan.
Umapela rin ang grupo kay Education Secretary Sonny Angara na ipagtanggol at suportahan ang mga guro.
Kasabay nito, inamin ni Bernardo na maging sila ay nababahala na sa dumaraming insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Sa datos, umabot na sa siyam ang insidente ng school violence simula nang mag-umpisa ang School Year 2026-2027.
