![]()
Inaasahang palalakasin ng Typhoon Dolphin na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang habagat na magdudulot ng mga pag-ulan.
Ayon sa PAGASA, posibleng pumasok sa PAR ang bagyo, subalit dadaan lamang ito sa boundary.
Huling namataan ang Typhoon Dolphin, 2,240 kilometers east northeast ng extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 155 km/h at pagbugso na hanggang 190 km/h.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15 km/h.
Sinabi ni Weather Specialist Veronica Torres na malabong mag-landfall ang Typhoon Dolphin at hindi ito direktang makaaapekto sa Pilipinas.
Gayunman, habang lumalapit aniya ang bagyo sa bansa ay posibleng pag-ibayuhin nito ang habagat at asahang makararanas ng mga pag-ulan ang iba’t ibang lugar.
Nagbabala si Torres na mas malakas na pag-ulan ang maaaring maranasan sa kanlurang bahagi ng bansa.