![]()
Naghain ang kampo ni Senador Jinggoy Estrada ng mosyon sa Sandiganbayan laban sa pagbasura sa kanyang motion to fix bail.
Sa labintatlong pahinang motion for reconsideration, hiniling ni Estrada sa Sandiganbayan 5th Division na muling pag-aralan ang resolusyon na nagbasura sa kanyang motion to fix bail kaugnay sa kasong plunder bunsod ng anomalya sa flood control projects.
Iginiit ng mga abogado ni Estrada na hindi maituturing na flight risk ang senador sa paggiit na elected public official pa rin siya hanggang 2028.
Binigyang-diin pa ng kampo ng senador na wala pa ring malakas na evidence of guilt ang prosekusyon kaya’t dapat pa siyang payagang magpiyansa.
Binanggit pa ng mga abogado na ilang ulit na ring pinayagan ng Sandiganbayan si Estrada na makalabas ng bansa mula 2023 hanggang 2026 kahit may kaso siyang plunder at graft.
