![]()
Nagsampa ng iba’t ibang reklamo si Atty. Mans Carpio laban sa ilang miyembro ng House Justice Committee kaugnay ng umano’y paglabag sa iba’t ibang batas bunsod ng pagbubunyag sa bank transaction records nila ng misis na si Vice President Sara Duterte.
Inihain ng legal representatives ni Carpio ang mga reklamong paglabag sa Anti-Money Laundering Law, Bank Secrecy Law, at Data Privacy Act of 2012 sa Quezon City Prosecutor’s Office, bagaman hindi malinaw kung kailan nila isinampa ang karagdagang reklamo.
Una nang dinemanda ni Carpio sina House Justice Panel Chairperson Gerville Luistro, House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima, at House Assistant Minority Leader Chel Diokno, para sa kaparehong mga paglabag.
Ngayong Biyernes lamang nalaman ng publiko ang supplemental complaint, dahil naghain ng counter-affidavit ang mga respondent para sagutin ang reklamo.
