dzme1530.ph

SONA NG PANGULO, MALAMAN, AYON SA ISANG SENADOR

Loading

KUNTENTO si Senador Erwin Tulfo sa naging laman ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
 
Ikinatuwa ni Tulfo ang pagbibigay-diin ng Pangulo sa mga hakbang laban sa mataas na singil sa kuryente, isang usaping matagal na rin niyang itinutulak bilang chairman ng Senate Committee on Energy.
 
Sinabi ng senador na nagsimula na ang mga pagdinig sa mga panukalang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) Law.
 
Layunin aniya na maisabatas ang mga reporma upang matanggal ang mga dagdag na pasanin sa mga konsyumer, tulad ng system loss charge at ilang buwis sa singil sa kuryente.
 
Kasabay nito, sinabi ni Tulfo na, bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ipagpapatuloy nila ang imbestigasyon sa mga pinaghihinalaang maanomalyang flood control projects sa oras na makumpleto ang mga miyembro ng kanyang komite.
 
Subalit nilinaw na hindi na kasama sa sisiyasatin ang mga usaping nakadulog na sa Ombudsman at Sandiganbayan upang hindi na maging paulit-ulit.
 
Samantala, ipinahayag din ni Tulfo ang kanyang suporta sa paninindigan ng administrasyon sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa.
 
Binigyang-diin niya na pag-aari ng Pilipinas ang West Philippine Sea at hindi dapat magpapasindak ang bansa sa anumang banta sa teritoryo nito.

About The Author