![]()
MARIING kinondena ni Senador Erwin Tulfo ang pahayag ng ilang Chinese scholars na nag-uugnay sa Batanes bilang teritoryo ng China.
Nagbabala si Tulfo na posibleng sumunod na ring angkinin ng China ang iba pang lalawigan tulad ng Palawan, Zambales, at Cagayan.
Binigyang-diin din ng senador na tila nagkataon ang naturang pahayag sa paggunita ng ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Ruling na kumikilala sa mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Dahil dito, muling iginiit ni Tulfo ang agarang pagpasa sa kanyang Senate Bill No. 1625 o ang West Philippine Sea Education Act, na aniya’y isang mahalagang hakbang upang labanan ang disimpormasyon tungkol sa teritoryo ng bansa.
Ayon sa senador, dapat nang kumilos ang pamahalaan upang matiyak na hindi madaling malinlang ang mga Pilipino ng ganitong uri ng pag-aangkin.
Aniya, sa antas pa lamang ng basic education ay dapat nang maituro sa mga mag-aaral ang tungkol sa soberanya at teritoryo ng Pilipinas.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang Department of Education (DepEd) na magsagawa ng kaukulang pagsasanay para sa mga guro at instructors tungkol sa West Philippine Sea.
Iginiit ni Tulfo na ang kaalaman tungkol sa teritoryo ng bansa ay hindi lamang usapin ng pagiging makabayan, kundi isang praktikal na paraan upang maunawaan ng bawat Pilipino ang mga karapatang nararapat sa bansa, kabilang ang mga likas na yaman nito.
