![]()
IGINIIT ni Senator-Judge Juan Miguel “Migz” Zubiri na panahon nang magkaroon ng batas na magpaparusa laban sa mga magbabanta sa kaligtasan at buhay ng Presidente, Bise Presidente, at mga constitutional successors ng Pangulo.
Sa ikatlong araw ng impeachment trial ay naitanong ni Zubiri sa testigong si NBI Agent John Mark Calilung kung may batas na sumasaklaw sa pagpaparusa sa mga magbabanta sa buhay ng mga pinakamatataas na opisyal ng bansa.
Ayon kay Calilung, may kapangyarihan lamang ang NBI sa ilalim ng charter nito na mag-imbestiga sa mga banta laban sa Presidente, Bise Presidente, Senate President, at Supreme Court, at ang kaso para rito ay lilitisin sa ilalim ng general provision ukol sa grave threats.
Dahil dito, inirekomenda ni Zubiri na ikunsidera ng Kongreso ang pagbalangkas ng batas kahalintulad sa Estados Unidos na itinuturing na krimen ang mga banta laban sa kanilang Pangulo, Ikalawang Pangulo, at mga successors ng mga ito.
Binigyang-diin ng senador na napapanahon na upang magkaroon ng kaparehong batas sa bansa na partikular na magpapataw ng parusa laban sa mga pagbabanta sa matataas na opisyal ng bansa.
