![]()
NAGSALITA na si Senador Francis Chiz Escudero sa pagdawit sa kanya ng 18 dating bodyguards ni dating Cong. Zaldy Co na kabilang siya sa nahatiran ng mga maleta ng pera mula sa dating kongresista.
Ayon kay Escudero, walang katotohanan ang alegasyon laban sa kanya dahil matagal na silang magkagalit ni Co bukod pa sa mali ang address niya na sinabi ng mga bodyguards na pinaghatiran ng mga maleta.
Iginiit ni Escudero na bahagi na ng tapunan ng putik sa pulitika ang pagdadawit sa kanya sa maleta issue dahil ginawa ito nang sumipot siya sa Senado noong June 3 kaya nakapagdaos ng sesyon ang naging bagong majority bloc, na nagpatalsik kay Senador Alan Peter Cayetano bilang Senate President.
Kung totoo aniya ang paratang, dapat ay magsampa na lamang ng kaso laban sa kanya.
Wala namang balak si Escudero na dumagdag sa aniya ay nagsasampa na ng mga kaso laban sa 18 bodyguards dahil anuman aniya ang hindi totoo ay hindi na dapat pagkaabalahan.
