![]()
Nagbabala si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III na iaakyat sa Korte Suprema ang usapin sa posibleng abuse of discretion ng Senate Majority Bloc sa pagtatangkang huwag sundin ang kanilang patakaran sa pagtalakay at pag-apruba sa panukala ni Senator Rodante Marcoleta na amendment sa Senate Rules para mapayagan ang online participation ng mga senador sa session.
Sinabi ni Sotto na ikukunsidera nila ang pagdulog sa Korte Suprema kung magpupumilit pa rin ang mayorya sa hindi tamang paraan ng pagsusulong na agad maipasa ang panukalang amendment.
Una rito, sinabi ni dating Senate President Franklin Drilon na maaaring kwestiyunin ng minorya sa Korte Suprema ang aniya’y abuse of discretion ng majority.
Iginiit ni Sotto na dapat sundin ang Senate Rules at hindi dapat baguhin para lamang sa personal na interes.
Malinaw aniyang sinasabi ng kanilang rules na ang anumang panukalang pagbabago sa kanilang patakaran ay dapat dumaan sa Rules Committee at kailangang may committee report bago ito talakayin sa plenaryo ng Senado.
Malinaw aniya na kaya minamadali ang pagpapasa sa panukalang online participation ay para mapaboran si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na ngayon ay muling nagtatago at kung sino pa man sa mga senador mula sa mayorya na sinasabing maaaring makasuhan sa mga susunod na araw.
