![]()
KINONDENA ni Senador Erwin Tulfo ang mga mapang-abusong negosyanteng lumalabag sa price freeze na pinaiiral ng Department of Trade and Industry upang magsilbing proteksyon ng mga mamimili sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Napuna ni Tulfo na tila naging kampante ang ilang negosyante na magtaas ng presyo kahit may price freeze dahil sa paniniwalang hindi maaabot ng monitoring ng gobyerno ang mga lokal na pamilihan, lalo na ang mga maliliit na pwesto.
Binigyang-diin niya na ang mga karaniwang Pilipino na umaasa sa mga lokal na tindahan para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan ang pinaka-apektado rito.
Hinamon ni Tulfo ang DTI na huwag lang umasa sa mga isinumiteng ulat kundi magsagawa ng aktwal na on-ground inspection upang matiyak ang mahigpit na pagsunod sa batas.
Ang price freeze anya ay dapat na katuwang ng iba pang hakbang ng gobyerno sa gitna ng nararanasang krisis.
Ang mga lalabag sa price freeze ay maaaring maharap sa mga kasong administratibo, multa, o pagkakakulong, depende sa bigat ng kanilang paglabag.
