dzme1530.ph

TAMANG FIRST AID LABAN SA RABIES, ALAMIN

Loading

Mahalaga ang agarang first aid sa mga kagat ng hayop upang maiwasan ang nakamamatay na sakit na Rabies.

Ayon sa Department of Health, ang rabies ay isang virus na naipapasa sa pamamagitan ng laway ng mga hayop na may impeksiyon, kadalasan ay aso, pusa, at iba pang mammals.

Kapag hindi agad naagapan, maaari itong humantong sa kamatayan sa sandaling lumabas na ang mga sintomas.

Ipinapayo ng mga eksperto na agad hugasan ang sugat gamit ang umaagos na tubig at sabon sa loob ng hindi bababa sa 10 hanggang 15 minuto. Mahalaga ang hakbang na ito dahil nakatutulong itong mabawasan ang virus na maaaring pumasok sa katawan.

Matapos hugasan, maaari ring lagyan ng antiseptic ang sugat upang makatulong sa pagpatay ng natitirang mikrobyo.

Pinapaalalahanan din ang publiko na huwag agad takpan o tahiin ang sugat nang walang payo ng doktor.

Agad na magtungo sa pinakamalapit na health center o ospital para sa karagdagang gamutan, kabilang ang pagbibigay ng anti-rabies vaccine at, kung kinakailangan, rabies immunoglobulin.

Binigyang-diin ng DOH na ang tamang kaalaman sa first aid at agarang paghingi ng tulong medikal ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang malubhang epekto ng rabies at maprotektahan ang buhay ng bawat Pilipino.

About The Author