![]()
Nakatakdang i-adopt ngayong umaga ng House Committee on Justice ang committee report na nagdeklara ng may probable cause para ma-impeach si Vice President Sara Duterte.
Alas-diyes ng umaga ngayong Lunes, May 4, magko-convene ang komite para aprubahan ang report, kasama ang resolusyon at Articles of Impeachment, bago ito i-transmit sa plenaryo para pagbotohan.
Ayon kay panel chairperson Batangas Rep. Gerville Luistro, ito na ang huling bahagi ng kanilang trabaho sa komite upang makumpleto ang kanilang constitutional duty.
Aniya, sentro ng report ang findings sa iba’t ibang alegasyon kabilang ang umano’y misuse ng confidential funds, unexplained wealth, at bantang pagpatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Kumpiyansa si Luistro na hindi mahihirapang magdesisyon ang mga kongresista sa pagboto dahil malinaw ang basehan ng probable cause na hango sa official records at hindi sa haka-haka.
Kung kakatigan ng hindi bababa sa one-third ng 306 na miyembro ng Kamara, ipapadala ang Articles of Impeachment sa Senado upang simulan ang paglilitis laban sa Bise Presidente.
