![]()
MULING iginiit ni Senador Loren Legarda ang pangangailangan ng dagdag na P200 kada araw na sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day, iginiit ni Legarda na dapat kumilos ang pamahalaan upang maibsan ang pasanin ng mga manggagawang Pilipino na araw-araw na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis at pagkain.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang laban ng mga manggagawa ngayon ay hindi lang usapin ng sahod, kundi tungkol na rin sa kaligtasan at dignidad sa gitna ng kahirapang pang-ekonomiya.
Inihain ni Legarda ang Senate Bill 1856 o Ang ₱200 Daily Minimum Wage Increase Act of 2026 noon pang February 2026, dahil sa epekto ng Inflation.
Iginiit ng senador na lahat ng mga manggagawang Pilipino sa iba’t ibang sektor ay direktang naaapektuhan ng krisis sa langis.
Binigyang-diin pa niya na ramdam niya ang bigat na dinadala ng bawat pamilya sa gitna ng mataas na presyo ng langis at bilihin kaya’t kaisa siya sa laban para sa karapatan ng mga manggagawa at para din sa kinabukasan ng bansa.
Ang bawat manggagawa anya ay may karapatan sa makataong trabaho, makatarungang sahod, at maayos na kabuhayan.
Muli ring nanawagan si Legarda na suspendihin ang excise tax at VAT sa diesel at gasolina, at iginiit na ang tulong ay hindi lamang dapat limitado sa LPG at kerosene.
