![]()
KASABAY ng pagdiriwang ng Labor Day, hinimok ni Senador Bam Aquino ang pamahalaan na palawakin pa ang tulong sa working at middle class na kabilang din sa mga patuloy na nahihirapan sa mataas na presyo ng petrolyo.
Sinabi ni Aquino na ang mga working at middle class ay kabilang sa bumubuo ng 80 percent ng mga Pilipino at may malaking ambag sa ekonomiya ng bansa.
Para mapagaan ang pasanin ng mga kababayang kabilang sa working at middle class, umapela si Aquino sa gobyerno na suspendihin ang pangongolekta ng excise tax sa diesel at gasolina at bawasan ang value-added tax (VAT) sa mga produkto at serbisyo sa 10 percent mula sa kasalukuyang 12 percent.
Parehong isinusulong ng mambabatas na bawasan ang VAT sa mga produkto at serbisyo kabilang ang produktong petrolyo sa ilalim ng Senate Bill no. 2047 habang noon pang Hulyo 2025 ay itinutulak niya ang Senate Bill no. 265 na layong tuluyang alisin ang excise tax sa diesel, kerosene, LPG, fuel oil at unleaded gasoline sa ilalim ng TRAIN Law.
Iginiit ng senador na sa panahon ng krisis ay hindi dapat maisantabi ang kalagayan ng mga working at middle class at dapat iprayoridad din ang sektor sa mabibigyan ng tulong.
