![]()
ISINUSULONG ni Senador Bam Aquino ang panukala na ibaba sa 10% mula sa kasalukuyang 12% ang ipinapataw na value added tax (VAT) bilang tulong sa mga nasa “middle class” sa gitna ng kasalukuyang krisis sa Gitnang Silangan.
Sa kanyang Senate Bill No 2047, sakop ng bawas-buwis ang mga bilihin at serbisyo, kasama na ang mga produktong petrolyo.
Nais ni Aquino na maamyendahan ang tatlong probisyon sa National Internal Revenue Code of 1997.
Naniniwala ang senador na kapag natapyasan ang VAT gagaan ang pasanin ng mga konsyumer partikular na ang mga nasa “middle class,” na hindi nakatatanggap ng ayuda mula sa gobyerno.
Kapag nabawasan ang VAT, bababa anya ang presyo ng mga pangunahing bilihin, pamasahe, gastusin sa transportasyon, halaga ng kuryente at tubig, at iba pang pinagkakagastusan ng mga nasa “middle class.”
