![]()
SA GITNA ng tumitinding tensyon sa Middle East at epekto nito sa pandaigdigang agricultural supply chains, iginiit ni Senador Francis Pangilinan ang agarang pangangailangan na palakasin ang lokal na produksyon ng biofertilizer.
Ayon kay Pangilinan, ang patuloy na sigalot sa Middle East ay nagdudulot ng pagkaantala sa mahahalagang supply routes at nagpapalala ng volatility sa global fertilizer market.
Ito ay sitwasyong mabigat na pinapasan ng mga magsasaka na nahaharap na sa mataas na gastos sa produksyon.
Dapat anyang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported na chemical fertilizers.
Ipinunto ng senador na ang pamumuhunan sa biofertilizer ay makatutulong upang mapatatag ang sektor ng agrikultura at maging mas matatag laban sa pandaigdigang supply shocks.
Ang biofertilizer ay nagmumula sa mga kapaki-pakinabang na microorganism at nagsisilbing mas environment-friendly at mas abot-kayang alternatibo sa karaniwang kemikal na pataba.
Nakatutulong din anya ito upang mapataas ang ani ng mga pananim tulad ng mais at gulay, mapabuti ang kalusugan ng lupa, at mapanatiling malusog ang mga halaman kahit sa panahon ng tagtuyot at peste.
Nanawagan si Pangilinan sa mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Agriculture, na palawakin ang pananaliksik, magbigay ng insentibo sa lokal na produksyon, at magsagawa ng pagsasanay para sa mga magsasaka hinggil sa paggamit ng biofertilizer.
