![]()
IGINIIT ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat maging batas na ang pagpapatupad ng ‘automatic inflation-triggered funding’ para sa social assistance programs kapag umabot sa kritikal na antas ang presyo ng mga bilihin, pamasahe, at utilities tulad ng kuryente at tubig.
Sinabi ni Gatchalian na nakapaloob na rin ito sa rekomendasyon ng Senate PROTECT Committee na naglalayong protektahan ang mga tinatawag na vulnerable families mula sa matinding epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Sa ilalim ng iminumungkahing sistema, ang mga kasalukuyang benepisyaryo — gaya ng mga nasa ilalim ng 4Ps — ay awtomatikong makatatanggap sa loob ng tatlong buwang ng karagdagang cash top-up.
Ito ay kung ang headline inflation ay lumampas sa 4%, ang food inflation ay humigit sa 5%, ang inflation sa transportasyon o krudo ay nagtulak sa pangkalahatang inflation nang hindi bababa sa 1 percentage point sa loob ng isang buwan, o ang presyo ng krudo ay tumaas ng ₱10 kada litro sa loob ng isang buwan.
Ayon kay Gatchalian sa pamamagitan ng mekanismo, agad na makakatanggap ng dagdag na buwanang ayuda ang mga benepisyaryo sa loob ng nakatakdang panahon nang hindi na kailangang maghintay pa ng bagong programa o ano pang pag-apruba.
Batay sa ulat ng PROTECT, tinatayang mawawalan ang mga tinaguriang poor households ng hanggang ₱1,151 sa kanilang buwanang purchasing power.
Bagama’t mas malaki ang nawawala sa mga mayayamang pamilya kung tutuusin, mas matindi ang tama sa mga pamilyang may mababang kita na kadalasan ay napipilitang bawasan ang budget para sa pagkain o kaya ay ipagpaliban ang edukasyon ng mga anak o magtipid sa pangangailangang pangkalusugan.
