![]()
NANAWAGAN si Senate Committee on Foreign Relations Chairman Erwin Tulfo kay Oman Ambassador Abdullah Al Manwari na ikunsidera ang posibleng government-to-government transaction para sa karagdagang suplay ng langis mula sa kanilang bansa.
Sa pagbisita ng ambassador sa tanggapan ng senador, sinabi ni Tulfo na sakaling tumagal pa ang giyera sa Gitnang Silangan, umaasa siyang makatutulong ang Oman sa ating oil reserves.
Bilang tugon, sinabi ni Al Manwari na bagama’t handa silang tumulong sa Pilipinas, kailangan pa rin nilang kumpirmahin sa kanilang kaukulang ministry kung paano makakapagbigay ng tulong ang Oman sa Pilipinas pagdating sa suplay ng langis.
Tiniyak ng Omani Ambassador na si Tulfo at ang Pilipinas ay itinuturing na “Friends of Oman” at ang Sultanate ay laging handang mag-abot ng tulong sa bansa.
Muling ipinaabot ni Tulfo ang pasasalamat sa Sultanate ng Oman sa pagbibigay ng ligtas na daanan para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na sumailalim sa repatriation.
Ang Oman anya ay naging isang maaasahang partner ng Pilipinas, lalo na sa panahon ng krisis gaya noong tumulong ito para mapalaya ang 17 Pinoy seafarers na binihag ng mga Houthi sa Yemen noong nakaraang taon.
