![]()
IKINATUWA ni Senate Committee on Foreign Relations Chairman Erwin Tulfo ang agarang aksyon ni Korean Ambassador Lee Sang Hwa hinggil sa pagbabawal ng ilang Korean KTV at restaurant sa mga Pilipino customers sa Angeles City at sa Clark, Pampanga.
Sinabi ni Tulfo na nakatanggap sila ng sumbong hinggil sa pagbabawal ng ilang Korean KTV at restaurant sa Central Luzon area na makapasok ang mga Pilipino na agad ipinarating sa Korean Ambassador.
Makalipas ang ilang araw ay nagpadala ng report si Ambassador Lee kay Tulfo kalakip ang mga hakbang ng Central Luzon Korean Association para hindi na maulit ang nasabing insidente ng diskriminasyon.
Kabilang sa aksyon ay ang pagpaskil sa pinto ng mga inirereklamong ktv at restaurant ng apology sa pangyayari at pangakong hindi na ito magtataboy ng mga customer lalo na kapag Pilipino.
Nangako rin anya ang Korean Community Association na sisilipin at palagiang mag-iinspeksyon ng mga establisyamento kung sinusunod ng mga ito ang batas ng Pilipinas at pakikitungo nito sa mga local customers nito.
Nagpaabot din si Ambassador Lee kay Tulfo ng mensahe na kung may mga problema pa laban sa ilang mga Korean establishments na nasa bansa, ay kaagad na ipagbigay alam sa kanya para agarang maaksyunan niya ito.
