![]()
IGINIIT ni Senador Erwin Tulfo na hindi lang dapat mga miyembro ng transport sector ang makinabang sa ilalabas na P1.2 billion ng Department of Labor para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program.
Ayon kay Tulfo, dapat na isama rin sa mga benepisyaryo ng TUPAD ang mga minimum wage earners tulad ng mga manggagawa sa restaurant at iba pang tindahan.
Sinabi ng senador na wala siyang nakikitang problema kung isama ang mga minimum wage earner sa makikinabang sa programang TUPAD ng DOLE.
Ang mahalaga lang anya ay tiyakin na hindi makaka-epal ang mga politiko sa distribusyon ng pondo.
Una rito sinabi ng DOLE na pagkatapos ng Holy Week maglalabas sila ng P1.2 billion na ayuda para sa vulnerable workers partikular sa mga taga transport sector na labis na apektado ng fuel crisis dulot ng patuloy na tensyon sa Middle East.
Pinag-aaralan ng DOLE ang panukala na isailalim sa TUPAD ang pondo sa pamamagitan ng pagpapatupad ng service contracting program kahalintulad ng sa Department of Transportation.
