![]()
Paparating na sa bansa ang 500,000 barrels ng diesel para patatagin ang numinipis na reserbang supply ng bansa, habang patuloy na nag-iipon ng stocks ang gobyerno sa gitna ng global oil crisis.
Bukod sa naturang deliveries, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na nagpa-plano ang pamahalaan na kumuha pa ng karagdagang 500,000 barrels ngayong linggo.
Aniya, ise-secure pa lamang nila ang kontrata saka ikakarga at ide-deliver sa bansa, kaya aabutin ito ng isa o dalawang linggo, depende kung saan manggagaling ang diesel.
Gayunman, ang additional supply ay inaasahan na para lamang sa karagdagang limang araw, dahil nasa 200,000 barrels ang kinukonsumong diesel ng bansa kada araw.
Nanindigan ang energy chief na sapat ang supply ng bansa, kabilang ang nasa biyahe pa, hanggang unang linggo ng Mayo, at wala aniyang senyales ng fuel crisis.
