![]()
Kapwa idineklarang sufficient in substance ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
Ang dalawang reklamo ay ang Rev. Fr. Joel Saballa et al. complaint o ang 3rd impeachment raps, at ang fourth impeachment complaint ni Atty. nathaniel Cabrera.
Matapos ang dalawang araw na mabusising paghimay at debate sa nilalaman ng articles of impeachment, nagdesisyon si Congw. Gerville Luistro na isalang ng hiwalay sa botohan ang dalawang natirang complaint.
Nilinaw muna ni Luistro na hindi per articles ang pagbobotohan kundi ang kabuuhan ng bawat reklamo.
Sa botohan kapwa nakakuha ng 54 affirmative votes o nagsabing may sapat na substance ang 3rd at 4th complaint.
May tig-isa ring no vote o walang sapat na substance ang dalawang impeachment complaint, habang walang nagrehistro ng abstain.
Dahil dyan idineklara ni Congw. Luistro na kapwa lumusot sa determination of substance ang Saballa et al, complaint na inindorso ni Rep. Leila de Lima, at Atty. Cabrera impeachment complaint kung saan sina Rep. Benny Abante Jr. at Dep. Speaker Paolo Ortega V naman ang endorsers.
Matapos ang botohan, nag mosyon si San Juan City Rep. Ysabel Zamora, vice chairperson ng Committee on Justice na padalahan ng notice si Vice President Sara Duterte bilang respondent, na sumagot sa dalawang complaint sa loob ng sampung araw.
