dzme1530.ph

ILANG REKOMENDASYON SA PARTIAL REPORT SA FLOOD CONTROL ANOMALIES, KINUWESTYON

Loading

KINUWESTYON ni Senador Rodante Marcoleta ang ilang bahagi ng inilabas na partial report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects.

Pangunahing kwestyonable para sa senador ang rekomendasyon na kailangan pa ng karagdagang imbestigasyon sa sinasabing pagkakaugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez sa anomalya.

Sinabi ni Marcoleta na malinaw na lumitaw sa imbestigasyon na maraming bahagi ng sinasabing iregularidad ay patungo kay Romualdez.

Bukod dito, pinuna rin ni Marcoleta na maraming pangalan ang nabanggit sa mga naunang privilege speech partikular ang hinggil sa umano’y 67 contractors na may kaugnayan sa mga kongresista.

Sinabi ni Marcoleta na nais niyang makita kung nakapaloob sa committee report ang mga detalyeng ito. Binanggit din ng senador ang umano’y “Cabral Files” kung saan, ayon sa mga naunang pahayag, may mga cabinet secretary at undersecretary na tinukoy bilang beneficiaries ng mga alokasyon.

Iginiit ni Marcoleta na nais niyang malaman kung bakit wala umanong mga tinawag o tinanong kaugnay ng mga nabanggit na personalidad.

Kasama rin sa nais niyang busisiin ang alegasyon tungkol sa umano’y P8 hanggang P9 bilyong deposito na naipasa umano sa ilang opisyal, pati ang 11 contractors na nabanggit sa privilege speech ngunit aniya’y hindi naman natawag sa pagdinig.

Sinabi pa ni Marcoleta na mahalagang malinaw at kumpleto ang committee report bago siya lumagda rito, lalo na kung may mga pangalang itinuturo sa isyu, kabilang ang pagkakadawit umano ng ilang matataas na opisyal.

About The Author