![]()
PINUNA ni Senador Imee Marcos ang National Telecommunications Commission (NTC) sa mga panukalang polisiya nito na tila taliwas sa layunin ng bagong Konektadong Pinoy Act.
May kaugnayan ito sa draft circular ng NTC na ayon sa senador ay tila pagsabotahe sa pagpapaunlad ng koneksyon sa bansa.
Iginiit ni Marcos na hindi dapat iilan lang ang nagdedesisyon kung sino ang magkaka-signal at sino ang wala dahil ang koneksyon ay para sa lahat, hindi lang sa mga lugar na kikita ang malalaking telco.
Partikular na pinuna ng mambabatas ang labis na paghihigpit sa mga maliliit na community-based providers at ang pagtatakda ng mataas na kapital at bond na maaaring pumatay sa kompetisyon.
Pinalagan din niya ang probisyong nagbibigay sa NTC ng malawak na kapangyarihang mag-disqualify ng mga aplikante base lamang sa sariling desisyon nang walang malinaw na pamantayan.
Binatikos din ni Marcos ang pagbabawal ng NTC sa electronic filing at ang pagpupumilit sa pagsusumite ng hard copy Luma na anya ang ganitong proseso at salungat sa isinusulong na E-Governance ng bansa at utos ng Korte Suprema.
Hinamon din niya ang NTC na ilabas ang kumpletong listahan ng mga kumpanyang may hawak na radio frequency at spectrum authorizations upang magkaroon ng transparency sa publiko.
