![]()
Pinabulaanan ni Vice President Sara Duterte ang kumakalat na balitang nakita umano’y walang malay ang dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang selda sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay VP Sara, tumawag ang abogado ng dating pangulo kagabi matapos lumabas ang ulat, at tiniyak na maayos ang kalagayan ni Duterte sa ICC.
Nilinaw rin ito ng pangalawang pangulo sa kanyang talumpati sa “Run for DU30” event sa Davao City, kung saan pinasalamatan nito ang mga tagasuporta ng kanyang ama. Aniya, hindi totoo ang naturang tsismis at posibleng isang prank lamang.
Dagdag pa ni VP Sara, hinihintay na lamang ng pamilya Duterte ang resulta ng public hearing sa November 28 kaugnay ng kanilang apela para sa interim release ng dating pangulo.
Kung hindi pabor ang desisyon, sinigurong patuloy na susuportahan ng pamilya ang dating pangulo at makikipag-ugnayan sa kanyang defense team hinggil sa kaso.
