dzme1530.ph

Mga kasalukuyang uniformed personnel retirees, ‘di dapat maapektuhan sa pagbabago sa pension system

Dapat sa mga bagong retiradong miyembro ng militar lamang ipatupad ang anumang pagbabago sa pension system at tiyaking hindi maapektuhan ang benepisyo ng mga kasalukuyang Uniformed Personnel Retirees.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Christopher Bong Go sa pinaplanong reporma ng administrasyon kasunod ng pangamba na mas lalaki pa ang pondong kailangan para sa mga retirado kumpara sa mga nasa aktibong serbisyo.

Ipinaalala ni Go na malaki ang sakripisyo ng mga uniformed personnel retirees sa kanilang serbisyong inalay para sa seguridad ng bansa at dapat itong kilalanin sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na benepisyo sa kanila.

Aminado naman si Go na kailangan ding balansehin ang fiscal stability ng bansa subalit hindi dapat isakripisyo ang kapakanan ng mga retiree na itinuturing nitong mga bayani.

Hindi rin sang-ayon ang senador sa ipinapanukalang mandatory contribution dahil tila bigay-bawi ang gagawin ng gobyerno matapos itaas ang kanilang sweldo noong 2018.

Tinutulan din ng mambabatas na alisin ang automatic indexation system na otomatikong nag-aadjust ng retirees pension dahil ito ang konswelo sa kanilang sakripisyo.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author